Comes Tuus Synodalis

Comes Tuus Synodalis

Share

“Comes Tuus Synodalis” is a space for prayer, reflection, listening, and accompaniment

15/05/2026

“Bawal ang masungit. Bawal ang nakasimangot.”
Madalas itong sabihin. At totoo naman, sapagkat tayo ang unang mukha ng Simbahan. Ngunit sa likod ng ngiti ng maraming pari, minsan may mga laban na tahimik na dinadala.

Mula sa aking karanasan, maraming pari ang laging nakikitang masaya, palabiro, presentable sa altar. Maganda ang misa, maayos ang homily, maliwanag ang simbahan. Pero hindi ibig sabihin noon na hindi napapagod ang puso.

Marami ang umaasa na ang pari ay laging available, laging may sagot, laging matatag. Pero tao rin ang pari. Napapagod din. Nasasaktan din. Nalulungkot din. May mga gabing tahimik lang na dala-dala ang bigat ng ministry, problema ng pamilya, expectations ng tao, at sariling sugat na hindi maikwento.

May mga pagkakataon na nakakapagpayo ka sa iba, pero ikaw mismo ang nangangailangan din ng lakas ng loob. Nakakapagpasaya ka ng tao sa misa, pero pag-uwi mo, ikaw naman ang tahimik na umiiyak sa Diyos. Ngumingiti sa altar habang may dinadalang pagod sa puso.

Kaya kailangan din ng mga pari ng lugar kung saan maaari silang huminga. Mga taong hindi lang naghahanap ng pari kapag may kailangan, kundi mga taong marunong ding makinig, umunawa, at magdasal para sa kanila. Hindi kailangan maging “superhero” palagi ang pari. Kailangan din niyang matawa, makapagpahinga, makapagkwento, at maging simpleng tao rin.

Mas tunay ang ngiti kapag hindi na kailangang itago ang sakit.
Mas nagiging magaan ang paglilingkod kapag alam mong hindi mo kailangang magpanggap na okay palagi.

Patuloy tayong maging masaya. Patuloy magmahal sa bokasyon. Ngunit maging tapat din tayo sa ating pagod at kahinaan. Sapagkat ang pari ring marunong umiyak, magpahinga, at humingi ng tulong ay pari ring mas marunong magmahal.

At sana, sa gitna ng dami ng gawain, expectations, at tahimik na laban, hindi mawala ang lambing ng ating bokasyon.

25/02/2026

Diwa ng EDSA buhay pa ba?

Forty years after the EDSA People Power Revolution, hindi lang ito pahina sa libro ng kasaysayan. Masakit man aminin — isa rin itong salamin kung nasaan na tayo ngayon.

Noong 1986, hindi lang tao ang nagtipon sa EDSA. May rosaryo. May mga madre at pari. May ordinaryong mamamayan na tumayo hindi dahil perpekto sila, kundi dahil may konsensyang ginising. Ang lakas noon ay hindi lang political strategy — kundi moral courage na hinubog ng pananampalataya.

Ngayon, apatnapung taon ang lumipas, iba na ang mukha ng krisis pero pamilyar ang sugat.

May mga pamilya pa ring umiiyak dahil sa EJK. May mga tanong na hindi pa rin nasasagot kaugnay ng Pharmally scandal at ng Fertilizer Fund Scam. May mga paratang tungkol sa bilyun-bilyong flood control funds na sana’y naging konkretong proteksyon laban sa baha — pero tila naging konkretong simbolo ng paglustay.

At bilang mamamayan, hindi sapat na magalit lang tayo. Totoo, may banal na galit. May righteous anger. Pero kung doon lang magtatapos, mapapagod lang ang puso natin.

Mas malalim ang kailangang ugat ng ating paninindigan.

Pag-ibig ng Diyos.

Hindi ito sentimental. Hindi ito paglalambot sa mali. Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi bulag — malinaw itong kumikilala sa kasalanan. Mali ang pagkitil ng buhay. Mali ang pagnanakaw sa kaban ng bayan. Mali ang pag-abuso sa kapangyarihan. Dapat may pananagutan. Dapat may hustisya.

Pero ang tanong: pagkatapos ng accountability, ano ang hangarin natin?

Kung ang layunin lang ay mapahiya, mawasak, o tuluyang maalis ang nagkasala — baka pareho lang tayong nadadala ng galit, imbis na magkapit-bisig ay magtulakan papalayo.

Ang conversion ay hindi lamang conviction sa korte. Ito ay conviction sa puso.

“Love the sinner, hate the sin.” Parang ito rin ang mensahe ni Hesus sa atin, humayo ka at wag nang magkasala. Mahalin ang nagkasala pero kamuhian ang kasalanan. At Ito ang pinakamahirap isabuhay.
Paano mo aakayin ang nagkamali, ang nagkasala saiyo? Paano mo iaahon ang taong mismong nagpalubog at nanakota sa iyo?

EDSA: kwento ng pagbabalik ng dignidad, kwento ng pag-asa at pag-ahon.
Hindi sa paglalagay sa kanila sa kahon ng “masama” habang tayo ay “mabuti.”

Inaakay ang tao. Hindi itinutulak sa bangin.

EDSA HINDI ITO TUNGKOL SA NAGKASALA, TUNGKOL DIN ITO SA ATIN NA BAHAGI NG SISTEMA.

Ang EDSA ay tungkol sa pananagutan. Dapat may managot — oo. Pero habang may proseso ng hustisya, may puwang ba para sa pagnalangin at pagninilay?

May komunidad ba na handang magsabi, “Mali ang ginawa mo, pero hindi ka namin isinusuko”? May simbahan ba na handang magdasal hindi lang para sa biktima, kundi pati para sa nagkasala na sana’y magbago?

Kung tayo ay paulit-ulit na pinatawad ng Diyos, paano tayo magiging instrumento ng pag-asa sa nagkasala?

Ang diwa ng EDSA ay hindi lang pagbagsak ng isang rehimen. Ito ay paanyaya sa pambansang pagbabagong-loob. Hindi lang ng mga nasa kapangyarihan — kundi ng mga nakakarami na mahirap at sa kapangyarihan ay salat.

Kung ang ugat ng kasamaan ay pagkagahaman, ang lunas ay pag-ibig na marunong magsakripisyo.
Kung ang ugat ay pride, ang lunas ay pagpapakumbaba.
Kung ang ugat ay pag-abuso, ang lunas ay tunay na paglilingkod.

Gawaing motibasyon ang pag-ibig ng Diyos.

Hayaan nating ang ating paninindigan laban sa EJK at korapsyon ay hindi lang sigaw ng galit kundi panawagan ng konsensya.
Hayaan nating ang ating paghingi ng hustisya ay nakaugat sa pagnanais na maibalik ang dangal ng bawat tao — lalo na ang mga sugatan at naulila.

Buhay ang diwa ng EDSA kapag…

…may tapang tayong magsabi na mali ang mali
…may malasakit tayong tumulong maghilom ang sugat ng bayan
…at may pananampalataya tayong naniniwalang walang pusong hindi kayang abutin ng biyaya

Happy 40th anniversary.

Hindi pa tapos ang laban.
Hindi pa tapos ang paghilom.
At higit sa lahat, hindi pa tapos ang conversion — sa kanila, at sa atin.

Buhay ang diwa ng EDSA…
kapag ang pag-ibig ng Diyos ang ating pinanggagalingan,
at ang pagbabagong-loob ang ating patutunguhan.

📸

28/12/2025

⚠️Babala: mahabang basahin, huwag uumayin.📖📝✍️

“WELCOME PA BA AKO SA BUHAY MO?”

Isang Pagmumuni sa Panunuluyan sa Liwanag ng Hebreo 1:1

“S a maraming pagkakataon at sa iba’t ibang paraan, nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga propeta; ngunit sa mga huling araw na ito, nagsalita Siya sa atin sa pamamagitan ng Anak.”
(Hebreo 1:1)

Ang Diyos, kung gayon, ay hindi kailanman nanahimik.
Ngunit madalas, tayo ang hindi na nakikinig.

Hindi dahil mahina ang tinig ng Diyos,
kundi dahil maingay ang ating puso—
punô ng reklamo, galit, pagod, inggit, at sariling agenda.



Nagbabago ang panahon.
Nag-iiba ang takbo ng mundo.
Nag-iiba ang kultura, teknolohiya, at mga hamon ng lipunan.

At kasama nito, nag-iiba rin ang mga pintuang kinakatok ng Diyos.
Hindi dahil nagbago Siya,
kundi dahil iba na ang kalagayan ng ating puso.



Tradisyonal nating nakikita ang panunuluyan bilang kuwento nina Maria at Jose—
isang mag-asawang pagod, may dinadalang buhay,
palipat-lipat, paulit-ulit na tinatanggihan.

Ngunit sa mas malalim na pagninilay,
hindi lamang ito alaala ng isang gabi sa Bethlehem.

👉 Ito ay salamin ng araw-araw nating buhay.



Maraming pagkakataon na tayo rin ang nagsasabing “wala kaming lugar.”

🔒 Mga pagkakataong sinasarhan natin ng pinto ang Diyos:

Kapag hindi natin inaalagaan ang mundong ipinagkatiwala sa atin.
Abuso sa kalikasan. Walang pakialam sa basura. Walang konsensya sa pagputol ng puno.
Hindi natin sinasabing “ayaw namin sa Diyos,”
pero sinasabi natin: “Hindi kami handang magbago para sa Iyo.”

Kapag nasasaktan ang kapwa sa ating mga salita at kilos.
Kapag mas mabilis tayong manghusga kaysa umunawa,
manlait kaysa magpatawad,
magsalita kaysa makinig—
isinara na natin ang pinto kay Kristo,
sapagkat Siya mismo ang nagsabi:
“Anumang gawin ninyo sa pinakamaliit sa aking mga kapatid, sa Akin ninyo ginawa.”

Kapag inuuna ang pagiging tama kaysa pagiging makatao.
Kapag mas mahalaga ang panalo sa argumento
kaysa pananatili ng relasyon,
kapag mas pinipiling ipahiya kaysa ituwid nang may malasakit—
tahimik na lumalayo si Kristo sa ating tahanan.

Kapag napapabayaan ang pamilya sa ngalan ng kung anu-ano.
May oras sa trabaho, barkada, cellphone, social media—
pero wala nang oras sa asawa, sa anak, sa hapag-kainan.
Nakakalimutan nating ang unang Simbahan
ay hindi gusali—
kundi ang pamilya.

Kapag palaging “busy” pero hindi na “present.”
Punô ang schedule,
pero walang espasyo sa panalangin.
May oras sa lahat—
maliban sa Diyos.
Laging “mamaya na lang, Lord,”
hanggang sa ang “mamaya” ay maging hindi na kailanman.

Kapag nasanay na tayo sa kasalanan.
Hindi na nagugulat sa katiwalian,
hindi na nasasaktan sa kasinungalingan,
hindi na nababagabag sa kawalan ng malasakit.
Kapag normal na ang mali,
isinara na ang pinto ng konsensya.



At idagdag pa natin ito—
sinusarhan din natin ng pinto ang Diyos
kapag puro komento at reklamo,
pero wala namang ambag.

Madaling magsabi ng:
“Dapat ganito.”
“Mali ’yan.”
“Kung ako ’yan, mas maayos.”

Pero kapag panahon na ng pakikilahok,
pagtulong,
pag-aalay ng oras at talento,
biglang tahimik—
may dahilan, may alibi, may iniiwasan.

👉 Gusto natin ng perpektong Simbahan,
pero ayaw nating maging bahagi ng solusyon.

👉 Gusto natin ng maayos na lipunan,
pero ayaw nating madungisan ang sariling kamay sa paglilingkod.

👉 Gusto natin ng pagbabago,
pero ayaw nating magbago.

Si Kristo ay hindi natatagpuan sa comment section,
kundi sa konkretong malasakit at sakripisyo.



Sa ganitong mga sandali,
hindi lamang sina Maria at Jose ang walang matuluyan.
👉 Si Kristo mismo ang napagkakaitan ng puwang.



Kaya ang tanong ng panunuluyan ay hindi lang:
“May tatanggap ba sa kanila?”
kundi:

“Welcome pa ba ang Diyos sa aking puso?
Sa aking mga desisyon?
Sa aking paraan ng pamumuhay?”



At dito natututo ang Simbahan—
hindi upang baguhin ang pananampalataya,
kundi upang palalimin ang pagtingin,
upang makita si Kristo
na patuloy na kumakatok
sa gitna ng ingay, pagod, krisis, at kalituhan ng kasalukuyan.



Sapagkat kung si Kristo ay patuloy na nagsasalita,
ang mas mahalagang tanong ay ito:

Tahimik ba ang ating puso upang Siya’y marinig?
At handa ba tayong magbukas ng pinto—
kahit hindi maginhawa,
kahit may babaguhin,
kahit may kailangang bitawan?

Dahil minsan,
hindi si Kristo ang walang matuluyan—
tayo ang ayaw magpaluwag ng puso.

Kung nagbago man ang anyo ng panunuluyan na iyong napanood sa simbahan—
mula sa tradisyunal na pagsasadula
tungo sa mas tunay na paglalapat sa buhay—
hindi ito nangangahulugang nagbago ang pananampalataya.

Hindi nito binabago ang katotohanang
nagkatawang-tao ang Salita.
Hindi nito ibinababa ang pangako ng Diyos.

Bagkus, mas lalo mo lamang itong nakita nang malinaw.

Hindi na lang Siya isang tauhan sa eksena,
hindi na lang bahagi ng kuwento ng nakaraan—
kundi Diyos na nakikisilong sa ating tahanan,
Diyos na pumapasok sa ating mga kwento,
Diyos na nakikibahagi sa ating kahinaan,
takot, pagod, at pag-asa.

Kung minsan, kailangan talagang magbago ang anyo ng pagsasadula
upang manatiling buhay ang mensahe.
Hindi upang gawing moderno ang Diyos,
kundi upang ipaalalang
ang Diyos ay kailanman hindi lumayo sa tao.

At kapag nakita mo Siyang kumakatok
hindi na sa pintuan ng isang bahay sa Bethlehem,
kundi sa pintuan ng iyong konsensya, pamilya, at pang-araw-araw na buhay—
doon mo mauunawaan na ang panunuluyan
ay hindi lamang ginaganap tuwing Pasko,
kundi araw-araw.

Dahil ang tunay na tanong ay hindi:
“Tradisyunal ba o makabago?”
kundi:

“Papapasukin ko ba Siya—ngayon?”

Want your business to be the top-listed Gym/sports Facility in Lucena?

Click here to claim your Sponsored Listing.

Location

Category

Website

Address

Isabang
Lucena
4301